CEBU CITY – Inilunsad ng Police Regional Office-7 nitong Biyernes, Pebrero 14, ang Emergency Alert button app na naglalayong mapabilis at epektibo ang pagresponde ng pulisya sa krimen o mga potensyal na insidente sa Central Visayas.
Ang naturang app ay gumagana nang walang data o wifi at maaaring ma-download sa iOS at Android device, na nagbibigay ng mga contact number ng mga istasyon ng pulisya at mga special unit na maaaring tumugon sa mga alarma.
Inihayag ni Regional Director PBGen Redrico Maranan na ang paglulunsad ng nasabing aplikasyon ay isang mahalagang kasangkapan sa pagbibigay ng 24/7 na agarang tulong ng pulisya sa mga establisyimento ng negosyo at mga instalasyon partikular sa mga walang security personnel.
Sa loob lang ng ilang segundo, matatanggap ng lahat ng unit ng pulisya ang mensahe at sabay-sabay na tutugon sa lokasyong ibinigay ng user ng naturang Alert Button App.
Sinabi pa ni Maranan na makakatulong din ito sa pulisya na tumugon nang mas mabilis, epektibo, at mapagkakatiwalaan sa mga pangangailangan ng komunidad sa rehiyon.
Binigyang-diin pa nito ang kahalagahan ng pagtugon nang madalian dahil ang napapanahong pagkilos ay mahalaga sa mga emerhensiya ma maaaring makaimpluwensya nang malaki sa tagumpay ng mga operasyon.
Nauna na ring sinabi nito na sa ilalim ng kanyang pamumuno ay ipapatupad niya ang makabagong pulis sa makabagong panahon na dapat gumagamit ng makabagong paraan at ang traditional policing ay dapat na isang bagay na lamang ng nakaraan.