Nagpahayag ng suporta ang coronavirus advisory panel ng Japanese government sa plano ng administrasyon na tanggalin ang state of emergency sa tatlong prefectures sa western Japan.
Una nang inalis ng gobyerno noong nakaraang linggo ang nationwide emergency declaration sa 39 prefectures ng naturang bansa.
Ayon kay Economic Revitalization Minister Nishimura Yasutoshi na sa loob ng pitong araw ay bumaba na ang infection rate sa 0.5 kada 10,000 katao mula Kyoto, Osaka at Hyogo.
Dagdag pa nito na sapat ang medical care at monitoring systems sa bawat rehiyon kung kaya’t pwede nang tanggalin ang state of emergency.
Hiningi rin ni Nishimura ang tingnan din ng panel kung kailan at papaano isasagawa ang PCR at antigen tests. Hiniling din nito na na aralin ng mabuti kung dapat bigyan ng karagdagang virus checks ang mga medical personnel at lahat ng indibidwal na nagkaroon ng close contact sa mga COVID-19 positive patients.
Inaasahang maisasapinal ng coronavirus task force ng Japan ang naturang plano mamayang gabi.