BAGUIO CITY – Nagpatawag ng emergency meeting si Benguet Governor Melchor Diclas para pag-usapan ang mga isasagawang hakbang laban sa COVID-19 matapos maitala ang pinakamataas na kaso ng virus sa lalawigan kahapon.
Naitala kahapon sa Benguet ang 93 na positibong kaso, 12 ang gumaling habang isa ang nasawi.
Mula sa nasabing bilang, 74 ang nairekord sa bayan ng Itogon, 14 sa La Trinidad, tig-dalawa sa Tuba at Buguias habang isa sa bayan ng Sablan.
Dahil dito, isinailalim sa lockdown ang ilang sitio sa Itogon kabilang ang Sitio Luneta sa Barangay Loacan; Sitio Sangilo, Poblacion; Balatoc, Virac at Eastern Saddle sa Barangay Ampucao.
Ipinaliwanag ni Itogon Mayor Victorio Palangdan na ang mga naturang lugar ay itinuturing na “thickly populated areas” at maaaring kumalat ang virus sa loob ng mga bunkhouse ng mga mining companies dahil karamihan sa mga nagpositibo ay mga trabahador at minero.
Dahil dito, mas pinaigting pa ng Itogon Municipal Health Services Office ang contact tracing para sa isolation at swab testing ng bayan.