BAGUIO CITY – Maglalaan ang lokal na pamahalaan ng La Trinidad, Benguet ng emergency vehicle na gagamitin ng mga makakaranas ng problema sa kanilang kalusugan kasabay ng ipinapatupad na Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon.
Mag-uupa din ang lokal na pamahalaan ng limitadong parapublikong sasakyan para sa 16 na barangay ng La Trinidad.
Gagamitin ang mga naturang sasakyang mula alas-otso hanggang alas-dies ng umaga at alas-tres hanggang alas-singko ng hapon para mabigyan ng serbisyo ang mga residenteng bibili ng kanilang kailangan.
Magbibigay din ng serbisyo ang mga sasakyan ng mga barangay ngunit kailangang masunod ang precautionary health measures.
Ipinag-utos na rin ng lokal na pamahalaan ang pagsumiti ng mga barangay officials ng listahan ng mga mahihirap na residente na mabibigyan ng relief goods.
Umapela pa ang pamahalaan sa mga may kaya sa buhay na magbigay ng tulong sa mga mahihirap kasabay ng krisis na nararanasan.