-- Advertisements --
pope benedict xvi

Mas lalo umanong lumalala ang kasalukuyang lagay ni former pope Benedict XVI, 93-anyos, makaraang bisitahin nito ang kaniyang kapatid na may sakit sa Germany noong Hunyo.

Ito ang kauna-unahang beses na lumabas ng Italy ang emeritus Pope matapos nitong gulatin ang buong mundo sa kaniyang resignation noong 2013.

Ayon sa impormasyon na inilabas ng isang German newspaper, bumagsak na raw ang katawan ng dating santo papa dahil sa sakit na erysipelas, isang uri ng virus na nagdudulot ng rashes at matinding sakit sa mukha.

Ang naturang impormasyon ay mula umano sa biographer na si Peter Seewald. Sa kabila raw kasi ng maayos na function ng kaniyang pag-iisip ay hindi na maintindihan ang kaniyang sinasabi.

Nabatid na bumisita si Seewald kay Pope Benedict sa Rome noong Sabado upang ipakita ang isinulat nitong biography tungkol sa dating santo papa.

Sa kabila ng kaniyang kalagayan ay nananatili naman itong positibo na muling manunumbalik ang dating lakas ng kaniyang katawan at ipagpapatuloy ang nasimulang pagsusulat.

Namatay ang kapatid ni Pope Benedict na si Georg Ratzinger sa edad na 96, dalawang linggo lamang matapos itong bisitahin ng santo papa.

Kasalukuyang naninirahan si Pope Benedict, o Joseph Ratzinger sa tunay na buhay, sa dating maliit na monastery sa loob ng Vatican.

Sa loob ng 600 taon, si Pope Benedict ang kauna-unahang santo papa na nagbitiw sa serbisyo dahil sa kaniyang kalusugan.