Kinumpirma ni Western Mindanao Command (Wesmincom) Commander LtGen. Corleto Vinluan, na isa sa pitong napatay na Abu Sayyaf kidnappers sa ikinasang operasyon ng militar kaninang madaling araw sa probinsiya ng Sulu ay ang emir ng Dawlah Islamiyah terrorist sa probinsiya.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Lt Gen. Vinluan, kinilala ni Vinluan ang napatay na Emir ng Dawlah Islamiya Sulu na si Mannul Sawadjaan alias Abu Amara na itinalagang emir ng teroristang grupo sa probinsiya ng Sulu matapos mapatay sa military operations si Hatib Hajan Sawadjaan na una ng pinangalanang emir ng teroristang grupo.
Patay din sa labanan si Madsmar Sawadjaan ang kapatid ng bomber na si Mundi Sawadjaan.
Sinabi ni Vinluan ang operasyon kaninang madaling araw ay bunsod sa impormasyon na ibinigay ng isang silbiyan hinggil sa pagdaong ng isang speedboat sa probinsiya sakay ang kahina-hinalang mga indibidwal.
Dito na sinubaybayan ng militar at ginamitan ng air and land interdiction, dahilan para na neutralized ang mataas na lider ng teroristang grupo.
Sinabi ni Vinluan, patuloy ang military pressure laban sa teroristang grupo anggat kanilang mapulbos ang mga ito.
Nagpapatuloy pa rin ang search and retrieval operations ng militar para marekober ang bangkay ng pitong napatay na Abu Sayyaf fighters.
Sa ngayon, narekober na ng militar ang ilang bahagi ng lumubog na speedboat at maging ang ilang high-powered firearms ng teroristang grupo.
Bini-beripika pa ng militar kung may mga ASG sub-leaders ang kasama sa napatay na limang iba pa.
Kinumpirma din ni Vinluan na target maglunsad ng kidnapping ang teroristang grupo sa mainland Mindanao.
Sa pagkakapatay sa pitong terorista, napigilan ng militar ang planong pagdukot ng mga ito.
Hinimok naman ng heneral ang publiko mga lalo na sa Mindanao na agad ireport sa mga otoridad kung may mga kahina-hinalang indibidwal sa kanilang mga lugar.