Lubos umanong nagsisisi si Japanese Emperor Naruhito sa ginawa ng kanilang bansa noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Kasabay ito ng ika-75 taong anibersaryo ng pormal na pagsuko ng Japan sa Allied forces, na naging hudyat sa pormal na pagtatapos ng World War 2.
Sa isang seremonya sa Tokyo, sinabi ni Naruhito na umaasa ito na hindi na raw mauulit pa ang nangyaring pagkawasak noong panahon ng giyera.
“Looking back on the long period of post-war peace, reflecting on our past and bearing in mind the feelings of deep remorse, I earnestly hope that the ravages of war will never again be repeated,” wika ng emperador.
Nasa 500 katao lamang ang dumalo sa okasyon, mas maliit kumpara sa mahigit 6,000 nagtungo noong nakalipas na taon.
Samantala, nangako naman si Japanese Prime Minister Shinzo Abe na hindi na raw nila uulitin ang naturang trahedya.
Minarkahan ni Abe ang okasyon sa pamamagitan ng pagpapadala ng bulaklak sa isang kontrobersyal na war shrine sa Tokyo, ngunit hindi ito dumalo nang personal.
Sa halip, apat na ministers ang nagtungo sa Yasukuni Shrine, na hakbang na sinasabing ikagagalit ng China at South Korea.
“I paid respects… to the souls of those who nobly sacrificed themselves during the war,” sabi ni Education Minister Koichi Hagiuda.
Ang Yasukuni Shrine kasi ang itinuturing na tahanan ng kaluluwa ng 2.5-milyong Hapon na namatay sa digmaan.
Subalit kinikilala din sa nasabing dambana ang 14 sa wartime leaders ng Japan, na kalaunan ay nahatulang mga class A war criminals.
Ikinokonsidera kasi ng Korea at China na “highly offensive” ang pagbisita sa shrine ng isang senior Japanese politician.
Kaya naman, hindi bumibisita sa lugar ang Japanese emperor, at isinasagawa na lamang sa ibang lugar ang paggunita sa okasyon. (BBC)