LEGAZPI CITY – Nagpapagaling na mula sa mga tinamong sugat ang isang babaeng empleyado ng Centermall sa Virac, Catanduanes, matapos tamaan ng bala ng baril.
Nabatid na mula ang naturang bala sa itini-turnover na baril ng security guard ng mall na si Edward Tohon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PLt./Col. Venerando Ramirez, tagapagsalita ng Catanduanes Police Provincial Office, ipapasa na ni Tojon ang caliber .9mm na baril sa karelyebo subalit loaded umano ito at hindi naka-safety feature.
Dahil dito, pumutok ang baril nang ilagay ng suspek ang hintuturo sa gatilyo.
Tinamaan ang 23-anyos na si Darlyn Joy Galicia, sa binti at kaliwang tainga, na nasa dalawang metro lamang ang layo mula sa sekyu.
Sa ngayon, tinitingnan namang walang liability sa nangyari ang security agency ni Tojon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya.
Abiso pa ni Ramirez na mas maigi kung sa safety area isinasagawa ang proper turnover ng armas.