DAVAO CITY – Iniimbestigahan na ngayon ng kapulisan sa Digos City ang motibo sa pagpatay sa 37-anyos na lalaki kung saan pumasok pa sa kanilang bahay ang suspek at pinagbababaril ng ilang beses.
Sa isinagawang imbestigasyon ng mga otoridad, habang nasa kanilang bahay ang biktima na nakilalang si Julius Jakosalem, messenger at residente ng Purok 5, Barangay Aplaya, Digos City, bigla na lamang umanong pumasok ang hindi nakilalang suspek at pinagbabaril ito sa ulo at katawan na siyang dahilan ng kanyang kamatayan.
Agad naman na tumakas ang suspek sakay isang motorsiklo.
Sinasabing bago nangyari ang pamamaril, tumaya pa sa STL malapit sa bahay ng biktima ang suspek bago ginawa ang krimen.
Narekober sa crime scene ang mga basyo ng .45 caliber pistol.
Patuloy naman ang isinagawang imbestigasyon ng otoridad para malaman ang motibo ng nasabing krimen.