KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad sa pagbaril-patay ng mga suspek sa isang empleyado ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MBHTE-BARMM).
Kinilala ang naturang biktima na si Mingko Marohom Ebrahim, 32, residente ng Barangay Rosary Heights 7, Cotabato City.
Ayon kay police station-2 chief of police Major Rustom Pastolero, lulan si Ebrahim ng kaniyang motorsiklo at binabaybay ang Gonzalo Javier Street sa naturang lugar nang bigla siyang binaril ng mga riding in tandem suspects mula sa likod.
Nagtamo ito ng dalawang tama ng bala sa kaniyang dibdib at binti na ikinamatay nito.
Narekober naman sa crime scene ang mga basyo ng kalibre .45.
Hustisya naman ang sigaw ng mga kaanak ng biktima matapos iniuwi ang bangkay nito, habang patuloy pang inaalam ng mga otoridad kung ano ang motibo sa naturang pamamaril.