LAOAG CITY – Kakaiba at makabuluhan ang ginawang pangangaroling ng mga empleyado ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP)-Batac Branch dito sa Ilocos Norte sa mga nagtitinda ng gulay sa Batac City Public Market.
Imbes na sila ang mabigyan ng pamasko habang nangangaroling, sila mismo ang nagbibigay ng regalo sa ilang magsasaka na napili habang nagtitinda ng gulay.
Ayon kay Mr. Erickson Bueno, Manager ng Administrative Division ng BSP-Batac Branch, ito ay bilang pamamahagi nila ng kanilang natatanggap na biyaya para sa mga nangangailangan.
Sinabi niya na bukod sa ibinigay nilang noche buena gift packs ay bumili pa sila ng mga panindang gulay ng mga magsasaka.
Isa sa mga nabigyan ng noche buena gift packs ay mag-isa na lamang itong binubuhay ang sarili matapos mamatay ang kanyang asawa noong Nobyembre.
Kasama pa sa mga benepisiario ay isang ina na may anak na mayroong sakit na rheumatic heart disease at ang pagtitinda ng gulay ang pinagkukuhanan nila ng pampagamot buwan-buwan at nabigyan pa ang isang lola na nagpapaaral sa kanyang apo.