ILOILO CITY – Nakarating na sa Malacañang ang reklamo ng empleyado ng Iloilo City Hall na pilit na pinag-leave ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas ng kalahating taon dahil sa umano’y pamumulitika.
Sa programang Digong 8888 Hotline ng People’s Television Network kung saan host si Presidential spokesperson Salvador Panelo, isinalaysay ni Rosita Camacho, Special Operations Officer 3 sa Iloilo City Hall, ang ayon sa kanya ay pag-abuso sa posisyon ng alkalde.
Kasong grave coercion, Anti-Graft and Corrupt Practices Act, grave misconduct at oppression, ang isinampa ni Camacho laban kay Treñas at sa ibang City Hall officials na inakusahan siyang “bag woman” ni dating Mayor Jose Espinosa III
Ayon kay Camacho, pinaratangan siya na tumulong sa kampanya ni Espinosa III at tinawag pa ito ni Treñas na “mayordoma” kasabay ng sapilitang pagpapa-leave sa loob ng anim na buwan.
Kaagad namang sumagot ang alkalde na nagsabing hindi ito takot sa naging hakbang ni Camacho.
Ayon kay Treñas, may pinanghahawakan itong katibayan laban kay Camacho at handa siyang harapin ang kasong isinampa ng kontrobersyal na empleyado.