KALIBO, Aklan—Hustisya ang isinisigaw ng kaanak ng isang empleyado ng delivery express matapos na pinagbabaril-patay sa harap mismo ng kanilang opisina sa Barangay Dumga sa bayan ng Makato, Aklan.
Kinilala ang biktimang si Jan Andrei Bolido, 27, residente ng Barangay Tamalagon, Tangalan, Aklan at nagtatrabaho bilang quality assurance sa J&T Express habang tinutukoy pa ang mga suspek na kaagad naman nakatakas.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Makato Municipal Police Station, pasakay na sana ng kanilang service truck bandang alas-8:20 ng umaga ang biktima nang biglang nilapitan ng suspek na naka-full-faced helmet at pinagbabaril na tinamaan sa kaniyang tagiliran.
Kasunod nito ay ang paghablot sa dala niyang pera na nakalagay sa plastic na nagkakahalaga ng P500,000.
Dagdag pa nito na ang nasabing halaga ng pera ay idideposito sana sa isang money transfer, kung saan halos P200,000 ang tuluyang nakuha ng suspek matapos na mapunit ang plastic at nagkalat ang iba pang pera na may iba’t ibang denomination sa kalsada.
Pinaniniwalaan na matagal nang minamanmanan ng mga suspek ang routine ng biktima bago ikinasa ang krimen.
Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing krimen.