ILOILO CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) upang matukoy ang motibo sa pagbaril-patay sa empleyado ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Brgy. Tagbak, Jaro, Iloilo City.
Ang biktima ay kinilalang si Alan Salario ng Brgy. Calmay, Janiuay, Iloilo na Engineering Aid/Driver ng DAR 6.
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay P/Lt. Col. Hilarion Roga, pinuno ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), sinabi nito na mayroong dalawang tama ng bala ang katawan ni Salario.
Ayon kay Roga, walang empty shell na nakuha sa pinangyarihan ng krimen at wala rin silang nakuhang physical evidences matapos ang isinagawang re-enactment.
Isinailalim rin sa imbestigasyon ang cellphone ng biktima ngunit ayon sa otoridad, wala silang may nakuhang lead.
Lumalabas sa imbestigasyon na may kinalaman sa trabaho o personal na buhay ang sinusundang motibo sa pagpatay sa biktima.
Sa ngayon, titingnan pa ng otoridad ang kuha ng Closed Circuit Television (CCTV) malapit sa pinagyarihan ng krimen upang makilala ang suspek.