-- Advertisements --

Patay ang isang empleyado ng Department of National Defense Arsenal sa Camp Antonio Luna, Limay Bataan matapos itong aksidenteng mabaril ng kanyang kasamahan kaninang umaga.

Tinukoy ni Limay police chief, P/Maj. Emelito dela Cruz ang biktima na si Juanito Oria, 57, isang ballistician na nakatalaga sa pagsusuri ng mga bala.

Habang ang katrabaho naman nito na nag-test-fire ng Armalite at ng bala ay kinilalang si Luisito Hacinas, 40, ng Barangay Camacho, Balanga City.

Batay sa imbestigasyon, tini-testing umano ni Hacinas ang isang M16 Armalite sa 200-meter range at hindi raw nito alam na pinapalitan pa ni Oria ang mga target paper.

Tinamaan ng bala si Oria sa likod at lumabas ito sa kanyang dibdib.

Bagama’t naisugod pa sa ospital ang biktima, idineklara na itong dead on arrival.