ROXAS CITY – Patay ang empleyado ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Capiz 2nd Engineering District matapos ma-trap sa nasunog na bahay sa Barangay Poblacion, Dumalag, Capiz.
Kinilala ang biktima na si Edimart Alba 43-anyos ng nasabing lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Roxas kay FO1 Arvin Ebron, arson investigator ng Dumalag Fire Station, nagsimula ang sunog ala 1:58 ng madaling araw sa tatlong bahay na nasa isang compound.
Totally burned ang bahay nina Tito Fecundo, Alicia Fecundo at bahay ng biktima na si Edimart Alba.
Maliban dito ay partially burned rin ang dalawang bahay sa harap ng nasunog na mga bahay at ang tatlong motorsiklo.
Lumalabas sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection na nagsimula ang apoy sa bahay ng biktima na pinaniniwalaang nakatulog dahil nakainum habang iniinit ang kanyang ulam.
Mabilis na kumalat ang apoy sa katabing bahay ni Alba dahil sa malakas na hangin.
Ayon naman kay Wilfredo Diocera, nakasaksi sa sunog, malaki na ang apoy ng magising sila kaya nagsisisigaw na lamang sila para gisingin ang nasa loob ng bahay.
Nakalabas ang ibang tao sa bahay ngunit, hindi si Alba na na-trap sa labas ng CR ng kanyang bahay.
Napag-alaman na gawa sa mixed materials ang tatlong nasunog na mga bahay na pawang magkakamag-anak.
Samantala lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection na umaabot sa P300,000 ang naging pinsala ng naturang sunog.