-- Advertisements --

Nagtala ang Central Visayas ng 97.1% employment rate noong 2024 batay sa pinakahuling Labor Force Survey (LFS) na inilabas ng Philippine Statistics Authority-7 at Department of Labor and Employment-7.

Mas mataas ito sa 95.4% na naitala noong 2023.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Labor Information Officer III Roberto Cabardo, sinabi nito na batay sa datos, mayroong 2.9% unemployment rate at 8.6% underemployment rate sa rehiyon.

Sa national level, tumaas pa ang labor force population sa 96.1% sa nakaraang taon.

Sinabi pa ni Cabardo nangungunang nagbibigay ng trabaho sa rehiyon ay ang industriya ng Business Process Outsourcing (BPO).

Kabilang din sa mga nangungunang sektor ay ang wholesale at retail trade, hotel at restaurant, manufacturing, at human resource outsourcing.

Aniya, ang pagtaas ng employment rate sa rehiyon ay sumasalamin pa sa positibong pag-unlad ng ekonomiya dito na isang magandang balita para sa mga mamamayan sa Central Visayas.

Hinikayat naman nito ang mga naghahanap ng trabaho na paunlarin ang kanilang kakayahan sa pamamagitan ng pagsali sa mga job fair at paglapit sa Public Employment Services Offices (PESO) para sa mga libreng pasilidad at serbisyo.

Binigyang-diin pa nito ang kahalagahan ng pagkakaroon ng soft skill o people skills na mahalaga umano sa pakikitungo sa ibang tao.