CAUAYAN CITY – Patuloy na tinututukan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pag-uwi ngayong araw sa bangkay ng OFW na si Deserie Tagubasi sa kanilang bahay sa lungsod ng Ilagan matapos na mabuhusan ng hydroflouric acid sa pinaglilingkurang electronics company sa Taiwan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sec. Silvestre Bello III ng DOLE, sinabi niya na dumating kahapon ang labi ni Tagubasi sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at dadalhin ngayong araw sa kanilang bahay sa Lullutan, lungsod ng Ilagan.
Aniya, kasabay ng pag-uwi ng labi ni Tagubasi sa Isabela ay ang malalimang imbestigasyon ng mga otoridad sa Taiwan upang alamin kung may pagkukulang sa occupational safety standard matapos na masawi ang OFW nang mabuhusan ng asido habang nasa trabaho.
Kumbinsido si Bello na bagamat malinaw na aksidente ang nangyari kay Tagubasi ay naniniwala siya na maaaring may pagkukulang sa occupational safety standards ang pinagtatrabahuang electronics company.
Tiniyak niya na maipagkakaloob kay Tagubasi ang tulong pinansiyal at mga benepisyo bilang isang overseas Filipino worker.