CAGAYAN DE ORO CITY – Nahuli ng mga pulis ang isang negosyante na hindi umano nagbabayad ng contribution sa Social Security System (SSS) para sana sa kanyang mga empleyado sa loob ng isang mall sa Barangay Lapasan sa lungsod.
Kinilala ni SSS employer deliquency monitoring department executive officer-2 Carlos Flaviano ang suspek na si Bienvinido Macaraig, may-ari ng Bunny Farm.
Ayon kay Flaviano hindi nabayaran ni Macaraig ang SSS contribution ng kanyang 20 empleyado na aabot sa P1.2 million.
Kung kayat nahaharap ito sa kasong RA 8282 o non-remittance of SSS contribution.
Depensa naman ng negosyante na hindi niya pinababayaan ang kanyang obligasyon sa SSS.
Sa katunayan umano, inatasan na niya ang kanyang abogado na makipag-ugnayan sa SSS upang maresolba ang problema.
Iginiit din niya na ninanakawan siya ng kanyang mga empleyado at umaabot na raw sa P5 million hanggang sa P7 million ang nawala sa kanya.