-- Advertisements --
Jeanelyn Villavende KUWAIT
Jeanelyn Villavende

KORONADAL CITY – Nakakulong na umano sa ngayon ang mag-asawang Kuwaiti na siyang itinuturong pumatay sa Pinay OFW na taga-South Cotabato sa bansang Kuwait.

Ito ang kinumpirma ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Cacdac sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Cacdac, ang impormasyong ito ay resulta ng pakikipag-usap ni Department of Labort and Employment (DOLE) Sec. Silvestre Bello III at Kuwaiti ambassador.

Ipinasiguro rin nito sa gobyerno ng Pilipinas na pormal na kakasuhan sa korte ang mag-asawang employer na pumatay kay Jeanelyn Villavende, 26, at residente ng Brgy Tinago, Norala, South Cotabato.

Samantala, ipinaabot din nito na ang mismong among lalaki ni Jeanelyn ang nagdala sa kanya sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.

Ibinunyag din umano ng lalaking amo na ang asawa nito ang siyang pumatay sa Pinay OFW.

Sa kabila ng pahayag nito, hindi pa rin sya lusot sa isinasagawang imbestigasyon.

OWWA Hans Leo Cacdac
OWWA Administrator Hans Leo Cacdac

Sa ngayon, aabutin umano ng anim hanggang pitong araw ang imbestigasyon sa kaso at dito na posibleng maiuwi ang bangkay ng biktima.

Hindi rin umano hahayaan ng gobyerno na hindi mabigyan ng hustisya ang kalunos-lunos na sinapit ni Jeanelyn sa kanyang mga amo.