-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Umaasa si OWWA Administrator Hans Leo Cacdac na managot na ang employer ni Jeanelyn Villavende nang sa gayon ay tuluyang nang makamit ng pamilya Villavende ang inaasam na hustisya.

Ginawa ng opisyal ang naturang pahayag kasabay sa isinagawang paglibing kay Jeanelyn nitong Huwebes ng tanghali.

Ayon kay Cacdac, sana aniya ay masasampahan na ng kaso sa korte ang babaeng employer ni Jeanelyn upang magbigay-daan sa paglilitis at maparusahan ito.

Sinabi rin nito na nakatakdang pulungin ni DOLE Sec. Silvestre Bello III ang pamilya Villavende upang pag-usapan ang mga hakbang na kanilang gagawin.

Iniimbestigahan rin ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang recruitment agency ni Villavende na kasalukuyang nakasuspinde at inaasahang malaki ang magiging pananagutan nito sa sinapit ng nasawing OFW.

Samantala, ipinapaubaya na nila ang desisyon ng pamilya kaugnay sa pagtanggap nito ng blood money ngunit nilinaw ng opisyal na kailangan pa rin silang gabayan.

Ipinaliwanag kasi nito na kapag tatanggapin ng pamilya ang inialok na blood money na nagkakahalaga ng P59 million ay mapapawalang-bisa ang mga isinampang kaso ng pamilya laban sa employer nito.