Todo ngayon ang apela ng Employers’ Confederation of the Philippines (ECOP) sa gobyerno at mga transport group na nagsagawa ng tigil pasada na magkaroon ng negosasyon at masolusyunan ang isyu sa public utility vehicle (PUV) modernization program.
It ang naging panawagan ni Employers’ Confederation of the Philippines president Sergio Ortiz-Luis, Jr. sa gitna na rin ng isang linggong tigil pasada.
Sinabi ni Ortiz-Luis na kahit daw limitado lamang ang transport strike na bigo namang magparalisa sa transportasyon ay nakakaapekto naman ito sa ekonomiya ng bansa.
Bagamat hindi raw nila matantsa ang halaga ng nawala sa unang araw ng transport strike pero base raw sa kanilang mga karanasan ay aabot sa daang milyon ang nawawala sa tuwing may isinasagawang tigil pasada.
Pinuri naman ni Ortiz-Luis ang pagiging bukas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na i-review ang mga guidelines para sa PUV modernization para ma-accommodate ang mga concerns ng mga transport sector.
Samantala, sa panig naman ni Employers’ Confederation of the Philippines chairman emeritus Francis Chua, nanawagan ito sa Department of Transportation (DOTr) na solusyunan at mapababa ang halaga ng modernization na pasanin ng mga PUV operators.
Bagamat long overdue na raw ang pag-modernize sa matagal nang mga PUVs sa bansa ay ang bayad naman sa pagbili ng mga bagong sasakyan ang posibleng maging problema ng ilan sa mga maliliit na operators.
Ipinanukala nitong kung pwede ay luwagan daw ng DOTr ang ilang guidelines para maging abot-kaya ang modernization.