-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN-Inihayag ng Federation of Free Workers na ang naitalang pagtaas sa employment rate ay gawa ng papalapit na kapaskuhan.

Ito ang binigyang-diin ni Jhun Ramirez, Vice President ng naturang samahan, sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa nasabing usapin.

Aniya tuwing sumasapit ang Pasko, maraming mga employer gaya na lamang ng retail outlets ang nagha-hire ng kanilang mga seasonal employees tulad na lamang ng sales lady, bagger, at iba pa, subalit pagdating naman ng Enero ay babalik na naman ang bansa sa dating sitwasyon na ang mga manggagawa ay nanaantiling walang trabaho.

Saad nito na walang nakikitang anumang pagbabago ang kanilang samahan sa estado ng paggawa sa bansa kaya naman umaasa sila na kahit papaano ay gaganda ang sitwasyon sa susunod na taon nang sa gayon ay kaagad na makabalik sa trabaho ang mga nawalan ng hanapbuhay.

Ani Ramirez na masasabing sugar-coating lamang ang mga inilalabas na datos ng kinauukulang ahensya kaugnay ng usapin kaya’t madiin pa rin ang kanilang panawagan sa gobyerno na tugunan nang permanenteng solusyon ang problema sa unemployment rate.

Maliban pa rito ay naniniwala rin ang kanilang hanay na walang anumang naging pagbabago sa sitwasyon ng paggawa sa bansa simula pa noong nakaraang administrasyon, sa kabila ng mga binitiwan nilang pangako para sa pagkakaroon ng mga naghihintay na trabaho at pagkawala ng kontraktwal na mga manggagawa.