Nananatiling tahimik si Enchong Dee habang isinusulat ang balitang ito sa kabila ng kinakaharap na kasong cyber libel na inihain ng isang politiko.
Sa kanyang latest online posts, nariyan ang kanyang dance video noong salubungin ang Bagong Taon at ngayong araw ay enjoy pa ito sa kinaing Japanese food bilang lunch kasama ang pamilya.
Una nang kinakitaan ng probable cause o sapat na basehan ng prosecutors ng Davao Occidental ang reklamong paninirang-puri ni Congresswoman Claudine Bautista-Lim.
Ugat nito ay matapos punahin ng 33-year-old actor ang aniya’y “lavish” wedding ng kongresista sa Balesin noon pang Agosto ng nakaraang taon gayong may pandemya raw.
Burado na ang tweet ni Enchong na nagsasabing ang ginamit na pera sa engrandeng pag-iisang dibdib ay mula umano sa pondo ng “commuters and drivers.”
Bagama’t humingi na ng paumanhin, itinuloy pa rin ng kongresista ang pagdemanda laban kay Dee at sa mga kapwa artista nitong sina Ogie Diaz, Agot Isidro at Pokwang na nagpahayag ng parehong sentimyento.
Gayunman, tanging si Enchong ang sinampahan ng paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 dahil ikinonsidera lamang ang kanilang tweets bilang “mere expressions of disapproval” base sa resolusyon na may petsang November 16.