KALIBO, Aklan – Dahil sa kakaunting tao sa labas ng mga bahay at walang gumagalang mga turista at wala rin ang ingay ng kaliwa’t kanang konstruksyon dahil sa ipinapatupad na general community quarantine dahil sa Coronavirus disease (COVID-19), namataan ng ilang mga residente sa isla ng Boracay ang isang fruit bat o mas kilala sa tawag na kabog na itinuturing na endangered species.
Karaniwang nakikita ang mga paniki sa kagubatang malapit sa Puka Beach sa Barangay Yapak sa isla, ngunit isa sa mga ito ay tila naligaw at nakitang kumakain sa labas ng isang bahay.
Pinabayaan lamang umano ito ng mga residente, habang natuwa naman ang iba dahil indikasyon na bumubuti na ang kanilang protected area at malaki ang posibilidad na muling dumami ang kanilang bilang.
Nauna dito, ipinag-utos ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu na ideklarang “critical habitat” at ipagbawal ang turismo at konstruksiyon sa tirahan ng mga fruit bat sa Boracay.