Kumabig si Department of Energy Sec. Alfonso Cusi matapos pagdudahan ang akusasyon ng mga Pilipinong mangingisda na sinadyang banggain ng Chinese fishing vessel ang kanilang bangka kamakailan sa West Philippine Sea.
Inamin ni Cusi na posibleng ngang binangga ng dayuhang barko ang bangka ng mga Pilipino, gayundin na dinepensahan ang pananahimik ni Pangulong Rodrigo Duterte sa issue.
“If it is a more neutral statement, then I would say yes its an incident.”
“(Because) it involves another country which we have a diplomatic relation so tinitinginan niya, kina-calibrate niya, pinag-aarala kung ano bang makabubuti para sa ating bansa. It’s not just the fishing, maraming aspeto.”
Nitong Linggo nang humarap ang kalihim sa 22 crew ng F/B GemVer 1 na sinasabing binangga at iniwan sa gitna ng Recto Bank ng Chinese vessel noong hatinggabi ng June 9.
Bilang cabinet officer responsible for development and security ng Mimaropa, inispeksyon ni Cusi at iba pang opisyal ang bangka kung saan nakita ang labis na damage sa likurang bahagi. Pero minaliit lang ito ng kalihim.
“Kung talagang babanggain, (bakit yung) napaka-bulok naman (na bangka). Kung mean to kill (the fishermen), idi-diretso na dapat yan.”
Batay sa pagsusuri, may bigat na higit 14-tonelada ang F/B GemVer 1. May lapad naman itong 10-talampakan, at habang 80-talampakan.
Pero ayon sa mga mangingisda tatlo hanggang apat na beses ng kanilang bangka ang laki ng bumanggang Chinese vessel.
Nitong umaga nang magpasyang umuwi ng San Jose, Occidental Mindoro ang kapitan ng bangka na si Junel Insigne matapos mabatid ang ulat na hindi na tuloy ang kanyang pagharap sa pangulo.