Nagbabala ang ilang mambabatas hinggil sa posibleng parusa na harapin ng energy officials at stakeholders kasunod ng rotational brownout na naranasan ng mga consumer sa Luzon nitong nagdaang linggo.
Sa isang panayam sinabi ni Sen. Grace Poe na tila napaaga ang penitensya ng Semana Santa dahil sinabayan din ng aberya sa tubig at internet ang pagbaba ng power supply kahapon.
Hinimok naman ni Sen. Nancy Binay ang concerned officials na gumawa muna ng mga hakbang bilang tugon sa issue kaysa magsisihan.
Pinatitiyak din nito sa Commission on Elections (Comelec) ang pagkakaroon ng backup na power source sa halalan sakaling magkaroon ng aberya sa eleksyon.
“Siguro instead of pointing fingers, mas urgent na magkaisa tayo to get to the bottom of the issue and address it properly,†ani Binay.
“Electricity and the Internet play a vital role during the national elections. Kaya hangga’t maaga pa, Comelec should come up with contingency plans just in case there would be power and Internet outages,†dagdag pa ng senadora.
Sa hanay naman ng Kamara, nais ni 1-Pacman Rep. Mikee Romero na maglabas ang Department of Energy (DOE) ng guidelines kung paanong makakatulong ang mga tanggapan ng gobyerno sa pagtitipid ng kuryente.
Habang tinabla ni House Committee on Energy vice chair 1-Care Rep. Carlos Uybarreta ang mga pahayag ng DOE na sapat ang reserba ng enerhiya sa bansa.
“As I had feared and warned, we had rotating brownouts here in Metro Manila and nearby provinces on Wednesday because our electricity reserves were not enough,†ayon sa kongresista.
Bagamat inaasahang babalik na sa normal ang operasyon ng mga pumalyang planta ngayong Holy Week, aminado ang DOE na posible pa ring magkaroon ng aberya sa mga ito.
“Kahit anong pilit natin na pag-operate kung talagang sira o pumapalya, kailangan itigil para mas maayos kaagad,” ani Energy Usec. Wimpy Fuentebella.
Nagbabala naman ang Manila Electric Company (Meralco) sa mga consumer nito dahil posibleng tumaas ang presyo ng kuryente sa susunod na singil o sa susunod na buwan.
“Everytime there are instances of yellow or red alert, nagkakaroon ng pressure for prices to rise,” ayon kay Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga.