Nagbabala ang Department of Energy (DOE) hinggil sa posibilidad na numipis muli ang supply ng kuryente kapag nagsimula na ang bilangan ng boto sa halalan.
Sa isang panayam sinabi ni Energy Usec. Wimpy Fuentebella, dulot ito ng pagbabalik-trabaho muli sa Martes ng mga opisina, kung saan tiyak na nagpapatuloy pa ang election canvassing.
Nabatid na raw kasi ng DOE na sapat ang energy supply sa Lunes dahil walang pasok.
Bukod dito, pansamantala na ring kinansela ng National Grid Corporation of the Philippines ang kanilang maintenance.
Ang Meralco, ipinasilip ang kanilang portable generator na nakahanda para sa polling precincts ng mga lugar na kanilang sine-serbisyuhan.
Mayroon itong generator at flood lights na agad umanong ipapadala sakaling makaranas ng aberya sa kuryente ang naturang mga presinto ng botohan.
Aminado naman ang ilang lokal na electric cooperatives na bagamat handa ang kanilang hanay sa ano mang aberya ay hindi ito sapat para tugunan ang agarang pangangailangan ng aberya na posibleng sumabay sa eleksyon.
Nauna ng tiniyak ng DOE sa Comelec na plantsado na ang mga paghahanda ng buong energy sektor kaugnay ng halalan.