-- Advertisements --
Gilas final 12
Gilas final 12 / SBP image

Inamin ng PBA rookie na si CJ Perez na hindi siya makapaniwala nang lumutang ang kanyang pangalan na kasama sa final cut ng Gilas players na sasabak sa FIBA World Cup.

Ayon kay CJ noong una raw ay nakita niya ito sa social media pero hindi muna niya pinansin.

Sumunod umanong tumawag sa kanya ang kanyang agent na siyang nagkumpirma sa pagiging bahagi niya ng Final 12.

Aniya, masaya umano siya at napasama sa national squad kabilang ang isa pang PBA rookie na si Robert Bolick.

Tiniyak naman ni Perez na ibibigay niya ang lahat para sa Pilipinas lalo na ang kanyang kontribusyon sa depensa at “energy” upang maging matagumpay ang kanilang kampanya sa world stage sa China.

Una na ring inamin ni head coach Yeng Guiao, na labis ang kayang pagbilib kina Perez at Bolick sa kanilang training camp kamakailan sa Spain.

Si CJ, 25, ay naglalaro sa PBA sa ilalim ng Columbian Dyip.

Ang 6-foot-2 shooting guard at small forward ay itinuturing na Fil-foreigner sa PBA dahil ipinanganak siya sa Hong Kong pero ang ina ay isang Pinay.

Gayunman lumaki siya sa Bautista, Pangasinan.

cj PEREZ

Samantala mangunguna sa laban ng Pilipinas ay ang mga World Cup veterans na sina Andray Blatche at June Mar Fajardo.

Kasama rin muli sina Gabe Norwood and Japeth Aguilar.

Ang bumubuo pa sa national squad ay sina Troy Rosario, Raymond Almazan, RR Pogoy, Mark Barroca, Paul Lee at ang nagabalik na si Kiefer Ravena mula sa 18-buwan na suspension na ipinataw ng FIBA.