CAGAYAN DE ORO CITY – Natuklasan ng mga imbestigador mula sa Philippine Air Force na nakaranas ng engine malfunction ang Huey chopper ng PAF na bumagsak sa Sitio Nahigit, Brgy. Bulonay, Impasug-ong, Bukidnon na ikinamatay ng pitong sundalo.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni BGen. Ferdinand Barandon, commander ng 403rd Infantry Battalion, Philippine Army na kabilang sa indikasyon ng engine malfunction ay ang biglang pag-usok ng chopper hanggang sa hindi na nakayanang mag-manuever ng piloto na si Lt. Col. Arnie Arroyo.
Inihayag ni Barandon na nasa Mactan, Cebu na ang PAF investigators dala-dala ang makina ng helicopter upang isailalim sa karagdagang imbestigasyon bago maghain ng final report.
Magugunitang galing sa punong himpilan ng 403rd IB ang grupo ni Arroyo upang maghatid sana ng mga suplay sa tropa ng 8th Infantry Battalion na nakabase rin sa Bukidnon nang maganap ang trahedya noong hapon ng Enero 16.
Maliban kay Arroyo, patay din ang kanyang co-pilot na si 2Lt. Mark Anthony Caabay, SSgt. Mervin Bersabe, A1C Stephen Agarrado, Sgt. Julius Salvado, CAFGU Active Auxilliary members Jerry Ayocdo at Jhamel Sugalang.