KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad sa pamamaril-patay sa isang empleyado ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa lungsod ng Koronadal.
Kinilala ni Police Lt.Col. Amor Mio Somine, hepe ng Koronadal City PNP ang biktima na si Engr. Rey Miguel, 48-anyos, empleyado ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na nakabase sa Sultan Kudarat at residente ng Sitio Guadalupe, Barangay San Isidro, Koronadal City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay PLt.Col. Somine, hawak na ng kanilang imbestigador ang CCTV footage sa insidente at malaki ang maitutulong nito upang ma-identify ang dalawang suspek sa pamamaril.
Ngunit, hindi inaalis ng pulisya ang anggulo na may mga kasamahan pa ang dalawang suspek sa pagpatay kay Engr. Miguel.
Sa ngayon, tumutulong na at nagsasagawa ng hiwalay na imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) sa pangyayari ayon sa hiling ng pamilya.
Matatandaan na dead on arrival na sa ospital si Engr. Miguel matapos na magtamo ng maraming tama ng bala sa ibat-ibang bahagi ng kanyang katawan.
Kasama ng biktima ang kanyang asawa na nasugatan din sa pamamaril ngunit daplis lamang ang natamo nito.
Na-trauma naman ang menor de edad na anak ng biktima dahil nakita nito mismoa ng pangyayari .
Sa ngayon, inaalam pa ang posibleng motibo sa pamamaril kung may kaugnayan ito sa kanyang trabaho o personal grudge.
Ipinasiguro naman ni Somine na magpapatuloy ang pagbabantay ng mga otoridad sa buong lungsod upang hindi na maulit pa ang insidente.