CENTRAL MINDANAO – Lomobo pa ang bilang ng mga sibilyan na lumikas sa bakbakan ng magkaaway na grupo sa probinsya ng Cotabato.
Ayon kay Cotabato police provincial director Colonel Henry Villar na tumindi pa ang kalat-kalat na engkwentro sa pagitan nina Kumander Ricky Hussien ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at grupo ni Kumander Butoh Sanday sa Brgy Talitay, Pikit, North Cotabato.
Libo-libong pamilya ang lumikas mula sa Barangay Gli-gli, Rajamuda, Bagoinged, Bulol at Brgy Talitay, Pikit, Cotabato.
Ang dalawang grupo ay may personal na alitan sa pamilya o rido dahil sa gantihan nang magkakamag-anak.
Mula nang sibakin ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) si Kumander Butoh Sanday bilang brigade commander at G3 ng MILF ay mas lalong tumindi ang kaguluhan.
Anim na umano ang napaulat na nasawi at marami ang nasugatan ngunit hindi pa ito makomperma ng mga otoridad.
Ang mga sibilyang lumikas ay pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation center sa Brgy Inug-og Pikit at sa kanilang mga kamag-anak sa mga ligtas na lugar.
Sinabi naman ni Brgy Inug-og, Pikit Brgy Chairwoman Bai Arlene Matalam Maguid na inilipat sa town proper ang mga bakwit dahil pati lugar nila ay malapit nang maabot ng mga naglalabang grupo.
Sa ngayon ay nagsisikap si Pikit Mayor Datu Sumulong Sultan na maayos ang gulo katuwang ang militar, pulisya at pamunuan ng MILF.