-- Advertisements --

Muling sumiklab ang labanan sa pagitan ng militar at grupo ng Maute sa ilang bahagi ng Marawi City.

Habang nagsasagawa ng live report si Bombo Laurence Jeralde mula sa site, maririnig sa ere ang panakanakang putukan na minsan ay malalakas sa bahagi ng Barangays Marinaot, Basak at Malatlat.

Ang labanan ay sa gitna na rin ng patuloy na ginagawang clearing operations ng mga otoridad laban sa natitira pang miyembro ng ISIS sympathizers.

Paliwanag ng militar, ang ginagawa umano ngayon ay surgical operations kaya nanawagan sila sa mga residente sa lugar na sentro ng operasyon na umalis muna.

Ang huling pangyayari ay lalong nagdulot ng pangamba sa ilan pang mga residente na naiwan sa lugar.

Maraming bahagi kasi ng siyudad ang nagmistulang “ghost town” at sarado na ang mga establisyemento at mga tindahan.

Para naman kay Marawi City Mayor Majul Gandamra, hindi niya masisi ang paglikas ng kanyang mga kababayan palabas ng Marawi para makaiwas na maipit sa labanan.

Iniulat din ng alkalde na may ilang lugar ang naibalik na ang suplay ng koryente ngayong araw.

Samantala, kapansin-pansin naman na patuloy ang pagbuhos ng tropa ng pamahalaan sa lugar at palaging paglipad ng Air Force choppers.