-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Handa na sana ang lahat ngunit mas pinili ng isang ginang sa Lemery, Batangas, na huwag ituloy ang kanyang enggrandeng 75th birthday celebration upang makatulong sa kanilang mga kababayan na apektado ng pag-alburoto ng Taal Volcano.

Si Ginang Belen Mulingtapang ay unang nakatakdang magdiwang ng kanyang kaarawan sa isang resort sa Taal kung saan mayroon pang tutugtog na live band.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Mulingtapang, inihayag nitong nagpakasunduan nila ng kanyang mga anak na ipagpaliban ang selberasyon at tutulong muna sa kanilang mga kababayan.

Kaagad silang bumili ng bigas, tubig, canned goods at iba pang pagkain na ipinamahagi sa mga evacuee.

Ayon kay Ginang Belen, mismong kanyang mga anak at mga apo ang nagrere-pack ng mga food items at isa-isa nilang binibisita ang mga evacuation centers upang ipamahagi ang mga ito.

Ang sasakyan din ng pamilya ang kanilang ginagamit sa paghahatid ng relief items.

Nagpapasalamat naman si Mulingtapang na naunawaan naman ng may-ari ng venue, caterer, lights and sound, live band at make-up artist, ang pagkansela sa kanyang birthday celebration.

Isang linggo bago ang kanyang kaarawan, wish ni Ginang Belen na humupa na ang pag-alburuto ng Taal Volcano at makakabalik sa normal ang kanilang buhay sa Batangas.