Naniniwala si House Transportation Committee chairman Edgar Mary Sarmiento na ang pagkakaroon ng enhanced community quarantine (ECQ) sa buong Luzon ay magandang pagkakataon para magsagawa ng full maintenance at system fix sa MRT-3 at buong linya ng LRT.
Ayon kay Sarmiento, maituturing ang ECQ bilang “reset button” para sa sira-sirang mass transport sa Metro Manila lalo na sa matagal nang pinoproblemang rail systems.
“All the needed repair works in the past are not fully carried out because we cannot stop the operation of these rail system. Now the President has ordered a complete shutdown of their operation, maybe it is the best time to fix all the rolling stocks to include the rail system,” giit ni Sarmiento.
Magandang pagkakataon na rin aniya ito para naman masimulan ang pag-setup sa kakailanganing imprastraktura at maisapinal ang operational details ng isinusulong na centralized at synchronized bus dispatch system.
Gayunman, mahigpit ang bilin ng kongresista na lahat ng mga empleyadong sakop sa isasagawang repair at maintenance work ay dapat sumusunod sa biohazard protocols upang sa gayon ay maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.