KALIBO, Aklan — Pinalawig pa ang umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) sa buong lalawigan ng Aklan na magtatapos sana sa Abril 14.
Ito ang kinumpirma ni Kalibo Mayor Emerson Lachica sa Bombo Radyo Kalibo.
Ito ay kasunod ng ginawang konsultasyon sa 17 alkalde sa pamamagitan ng teleconference upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease.
Sa Lunes ay inaasahang maipalabas ang Executive Order ni Governor Florencio Miraflores, chairman ng Aklan Inter-Agency Task Force on COVID-19 kaugnay sa pagpapalawig ng ECQ hanggang Abril 30, 2020, alas-11:59 ng gabi.
Sa gagawing extension, iiral pa rin aniya ang mga kasalukuyang guidelines ng IATF.
Nauna nang inirekomenda ni Provincial Health Officer 1 Dr. Cornelio Cuatchon ang pagpapalawig ng ECQ upang hindi na madagdagan ang kaso ng COVID-19 sa lalawigan.
Sa nakalipas na limang araw, nananatiling anim ang kumpirmadong kaso ng nakamamatay na virus sa Aklan, kung saan, pawang nasa mabuti ng kalagayan.
Sa kasalukuyan, hinihintay pa ang resulta ng specimen sample ng 36 na persons under investigation (PUI) ng Aklan sa Western Visayas Medical Center sa Iloilo City.