Inilabas ngayong araw ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mas pinahusay na bersyon ng mga perang papel tampok ang pinaka-latest na anti-counterfeiting technology.
Sa ginanap na press briefing, sinabi ni BSP Governor Benjamin Diokno na naglagay sila ng apat na bagong mga security enhancements sa mga perang papel upang mapangalagaan ang publiko laban sa mga namemeke ng pera at mapagtibay pa ang integridad ng mga ito.
Kasama sa mga binago sa salaping papel na bahagi ng New Generation Currency Banknote Series ang “optical variable ink” sa P500 at P1,000 papel.
Nagpapalit ng kulay ang tinta na ayon sa BSP ay hindi raw madaling magagaya.
Makikita rin sa P100, P200, P500 and P1,000 banknotes ang mas pinahusay na security thread kung saan ang disenyo ay hinango mula sa mga katutubong habi sa iba’t ibang mga rehiyon.
Matatagpuan din sa dulong kanan at kaliwang panig ng salapi ang mga pares ng maiikling pahalang na linya na nakaimprenta sa tintang intaglio.
Ang nasabing feature ay para makatulong sa mga may edad at may kapansanan sa paningin.
Nilinaw naman ng BSP na magagamit ang mas pinahusay na mga salaping papel ng NGC kasabay ng mga perang papel na kasalukuyang nasa sirkulasyon.