-- Advertisements --

Hinimok ni Senador Robinhood Padilla ang Department of Education, National Commission for Culture and the Arts at ang National Historical Commission of the Philippines na bumuo ng “enhanced Rizal program” sa basic education curriculum.

Ang pahayag ni Padilla ay upang matiyak na maisabuhay ng mga Pilipino habang bata pa sila ang mga katangiang isinusulong ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal. 

Ani Padilla, hindi matatawaran ang kahalagahan ni Rizal sa ating kasaysayan, at ang kanyang mga pamana sa pamamagitan ng kanyang mga obra ay nananatiling inspirasyon sa maraming henerasyon ng Pilipino.

Ipinunto ng senador na inilatag ng tula ni Rizal na “To the Filipino Youth” ang kakayahan ng kabataan sa paghubog ng hinaharap ng Inang Bayan, at hinimok silang gamitin ang kanilang kakayahan para tumulong sa mga nangangailangan.

Sa kasalukuyan, ipinunto ni Padilla na ang mga kasulatan ni Rizal tungkol sa pagmamahal sa bayan ay kasama sa tinuturo sa Grade I hanggang VI. Ang kanyang “Noli Me Tangere” at “El Filibusterismo” ay “required reading” sa third at fourth year sa high school.