-- Advertisements --

Binigyang-diin ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile na ang karapatan sa malayang pagpapahayag ay nakabatay sa totoong impormasyon, na naglalayong magbigay kaalaman sa publiko at hindi manipulahin ang mga ito.

Ito ay kaugnay ng mga alalahanin tungkol sa paglaganap ng fake news online sa panahon ng halalan na kamakailang pinag-usapan sa mababang kapulungan ng Kongreso.

Ibinahagi ni Enrile sa isang post sa social media nitong Linggo, Marso 23, na ang malayang pagpapahayag aniya sa social media ay dapat nakabatay sa mga katotohanan upang matiyak na ang publiko ay tama ang nakukuhang kaalaman.

Ipinaliwanag pa niya na ang Bill of Rights ay nagbibigay ng karapatan sa mga tao upang makagawa ng tamang desisyon hinggil sa mga isyung nakakaapekto sa kanila, at hindi upang lokohin o manipulahin sila para sa pansariling interes ng mga ito.

‘My understanding of the right to guaranteed freedom of free expression in the Bill of Rights is that it is underpinned with truthful information so that our unknowing people are made aware of events or happenings in our social community so that our people can make the right decisions on matters that affect them, instead of being manipulated to serve the interest of others,’ ani Enrile.

Dagdag pa niya, dapat daw maging maingat ang mga gumagamit ng social media sa pagbabahagi ng impormasyon online upang maiwasan ang pagkalat ng maling impormasyon na maaaring magdulot ng kaguluhan sa bansa.

‘I would like to believe that social media practitioners are intelligent and rational enough to exercise utmost care and caution to disseminate to the public only well-confirmed information so as not to mislead the unknowing people with fictitious or invented facts,’ dagdag pa nito.

Binigyan-diin din ni Enrile na hindi dapat ituring ng mga social media users ang kanilang mga platform bilang lisensya upang magkalat ng pekeng impormasyon, dahil ito ay magdudulot ng ”anarchic information system and disorderly society.”

Samantala, noong Marso 21, ipinaabot ni Communications Secretary Jay Ruiz ang kanyang pag-aalala ukol sa pagkakahati-hati ng bansa dulot ng online misinformation, disinformation, at fake news.

Sa isang House Tri-Committee hearing hinggil sa malisyoso at pekeng nilalaman sa mga online, sinabi ni Ruiz na ang mga kasinungalingan ay nagiging sanhi ng pagkakabaha-bahagi ng mga Pilipino laban sa isa’t isa.