Nagpasalamat si dating Senate President at ngayo’y Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile sa tuluyang pagpapawalang-sala sa kaniya sa kasong plunder.
Sa panayam kay Enrile matapos ang promulgation kaninang umaga (Oct.4), sinabi ni Enrile na buo ang kanyang loob na mapapawalang-sala din siya sa naturang kaso dahil ginawa ng kanyang legal team ang lahat ng kanilang makakaya.
Nagpasalamat din si Enrile sa mga mahistrado dahil sa aniya’y ‘pagbibigay ng hustisiya’ sa kanya at sa mga kapwa akusado.
Samantala, bumuwelta rin ang dating SP sa mga naghain ng kasong graft laban sa kanya. Ayon kay Enrile, umaasa siyang sisimulan na ng mga taong ito na aralin ang kani-kanilang konsensiya.
Kaninang umaga nang pinawalang sala ng Sandiganbayan Third Division ang dating Senate President kasama ang dati niyang chief of staff na si Gigi Reyes at ang tinaguriang Pork Barrel Queen na si Janet Lim Napoles.
Nagpasalamat naman si Napoles sa lahat ng nagdasal hanggang sa lumabas ang naturang desisyon.
Bagamat panibagong tagumpay ito sa panig ni Napoles, patuloy pa rin niyang isisilbi ang mga nauna nang conviction ng korte laban sa kaniya kaugnay pa rin sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng mga mambabatas.