-- Advertisements --

Nagbabala si Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile sa social at political leaders sa posibleng adverse consequences ng planong zero remittance week sa mga overseas Filipino workers (OFWs)

Ito ay matapos i-anunsiyo ng ilang grupo sa Europa, partikular ang Maisug Croatia, na maglulunsad sila ng “Zero Remittance Week” mula Marso 28 hanggang Abril 4 ngayong taon.

Sa isang statement, sinabi ni Enrile na sinuman ang nagpayo sa mga OFW na suspendihin ang remittance ng kanilang mga kinikita sa ibang bansa ay dapat na mag-isip ng maraming beses sa posibleng magiging epekto ng naturang payo sa ating mga kababayang OFW.

Muling ibinabala ng opisyal na ang bawat aksiyon ay may kaakibat na posibleng counter action. Sakali man aniya na sundin ng ilang OFW ang ganitong payo, ano ang maaaring mangyari sakaling magpasya ang Kongreso na gumanti at kanselahin o suspendihin ang tax privileges ng OFWs na susunod sa naturang payo?

Binanggit din ni Enrile ang tinatamasang tax privileges ng OFWs kabilang ang income tax-free sa kanilang mga kinikita abroad, hindi nagbabayad ng travel taxes gayundin wala silang binabayarang airport fees, exempted din sila sa documentary stamp taxes sa kanilang remittances at exempted mula sa paghahain ng income tax returns.

Maliban dito, kailangan nilang magkaroon ng pasaporte para makapagtrabaho bilang OFW. Ito aniya ang mga pribiliheyong ipinagkaloob ng Kongreso sa mga OFW sa pamamagitan ng mga ipinasang batas.

Kaugnay nito, inirekomenda ni Enrile sa mga OFW na pag-aralang mabuti ang planong pagsasagawa ng zero remittance week bago sila maupos bunsod nito.