-- Advertisements --

Sinagot na ni acting appropriations panel chairman at Marikina Representative Stella Luz Quimbo ang tanong ni Davao City Rep. Isidro Ungab kung saan na ngayon ang enrolled bills ng 2025 national budget.

Sa isang panayam sinabi ni Quimbo na bukas sa publiko para suriin ang kopya ng enrolled bills na makikita ngayon sa Legislative archives ng House of Representatives.

Tinanong kasi ni Ungab kung saan ang kopya ng enrolled bills ng sa gayon maikumpara ang mga numero sa bicameral conference committee report na kinukwestiyon dahil sa ilang blank items.

Sinabi ni Quimbo kung ibabangga ang enrolled bill sa bicam report, sigurado aniya siya na walang nawalang blanko.

Muling binigyang-diin ni Quimbo na lahat ng halaga na napagkasunduan ng bicam at siya ring halaga na nasa enrolled bill na itinama ng technical staff alinsunod sa pagpapahintulot ng dalawang omnibus provision.

Sinabi ni Quimbo na malaya ang sinuman na kwestiyunin ang 2025 national budget.

Ayon sa mambabatas iginagalang nito ang kalayaan ng bawat isa na magtanong kaugnay sa 2025 General Appropriations Act.