Naninindigan ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa hindi paglalabas ng mga pangalan ng mga artistang nasa kanilang drug watchlist.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PDEA Spokesman Dir. Derrick Carreon na watchlist pa lamang ito at nais nilang mapagtibay ang ebidensya para sa gagawing operasyon.
Ayon kay Carreon, kapag pinangalanan na, titigil na ang mga nasabing artista at hindi na maaaresto.
Inihayag ni Carreon na kaya naman pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga narco-politicians ay para maiwasang mahalal sa gobyerno.
Ang mga opisyal kasi umano ay may pananagutan sa taongbayan kaya mas karapat-dapat silang mahubaran sa publiko.
Inamin naman ng opisyal na ilan sa mga artistang nasa watchlist ng PDEA ay mga sikat pa at mga kabataan pa habang marami rito ay mga laos na.