CENTRAL MINDANAO – Muling inihayag ni Kabacan Mayor Herlo Guzman, Jr. na nais nitong mas palakasin pa ang pagbabantay sa mga entry at exit points ng bayan ng Kabacan, Cotabato.
Sa isinagawang Municipal Peace and Order Council, inatasan ng alkalde ang mga barangay na kilalang entry at exit point sa bayan na mas palakasin pa ang pagbabantay.
Ito ang Brgy. Sanggadong, Bannawag, Malanduague, Dagupan, Aringay, Salapungan, Katidtuan, Kayaga, Kilagasan, Magatos, Lower at Upper Paatan, Cuyapon, Malamote, at Poblacion.
Pagpapaliwanag ng alkalde, ang mga nabanggit na barangay sa bayan ang kilalang entry at exit point sa bayan.
Ipinag-utos din nito na bigyan ng kaukulang suporta ang mga Barangay Peace-keeping Action Team o BPAT sa pagbabantay.
Aniya, bagamat ‘generally peaceful’ ang bayan batay na rin sa report ng kasundaluhan, mainam paring palakasin pa ang pagbabantay sa mga nasabing entry at exit point sa bayan.
Inilahad din ng alkalde na kung kailangan ng mga BPAT ng gamit ay siya mismo ang magbibigay sakanila.
Kaugnay nito, nagpabili na ang alkalde ng mga karagdagang flashlights at megaphone upang magamit ng mga itatayong chokepoint sa mga nasabing barangay.
Siniguro naman ni ABC President Evangeline Pascua-Guzman na kanyang imo-monitor ang mga kasamahang punong barangay upang masigurong ipinapatupad ang ipinag-utos ng alkalde.
Samantala, hinimok ni Mayor Guzman na hindi lamang ngayong darating na kapistahan ng bayan dapat isagawa ang mga chokepoints bagkus ay sa ano mang oras dapat may mga chokepoints sa mga nasabing barangay.
Sa huli, nanumpa ang mga punong barangay ng mga nabanggit na lugar na kanilang pag-iibayuhin ang pagbabantay upang masigurong maayos ang usaping ng kapayapaan sa bayan.