-- Advertisements --

MAKATI CITY – Muling nagtipon-tipon ang iba’t ibang grupo at environmental advocates para sa taunang Earth Hour event sa lungsod ng Makati.

Sa pangunguna ng World Wildlife Fund for Nature (WWF) Philippines, sabay-sabay na sinalubong ng mga dumalo ang ceremonial switch-off ng mga ilaw na sumisimbolo umano sa pakikiisa sa kampanyang pangalagaan ang kalikasan.

“On one hand we have the moral responsibility to live in harmony with nature, on the other nature is vitally important to everyone’s daily; we depend on it for the food we eat, the air we breathe and the water we drink, and so much more. But we are pushing the planet to the limit and nature is severely under threat,” ani Marco Lambertini, director general ng WWF International.

Nagsilbing highlight ng pagtitipon ang panawagan kontra sa paggamit ng plastic dahil sa masamang epekto nito sa mga tao.

Sa pamamagitan ng #AyokoNgPlastik movement, nais ng organisasyon na matawag ang pansin ng publiko para simulan ang mga diskusyong bubuo ng mga hakbang para tuluyang magtigil ang pagkonsumo ng plastik.

“Earth Hour has been a social phenomenon for over a decade now. What started as a moment has become a movement as millions of people around the world have taken up the banner of climate action and environmental conservation,” ani WWF-Philippines President and CEO Joel Palma.

Batay sa datos ng WWF-Philippines, umabot sa 3.5-milyon ang social media reactions ng Earth Hour event noong 2018.

Aabot naman sa 30 bansa ang nakiisa kung saan nasilayan ang pagpatay sa ilaw ng ilang sikat na landmark.

Nauna nang nagpaabot ng suporta ang tanggapan ng gobyerno, private sector at si Pangulong Rodrigo Duterte sa programa.

“More than just a symbolic gesture of turning off our lights, may this year’s Earth Hour becomes the spark that will awaken our sense of responsibility as stewards of nature and caretakers of its vast resources,” ani Duterte.

Nakiisa naman sa switch-off event ang ilang artista na tumatayong ambassador gaya nina Marc Nelson, Rovilson Fernandez, Andre Paras at Mikee Cojuangco-Jaworski.

Ipinakilala rin ang mga bagong ambassadors na sina Richard Gutierrez, Sarah Lahbati at Frankie Pangilinan.