Kumpiyansa ang Department of Justice na makukumpleto na sa lalong madaling panahon ang inihahanda nitong Environmental case laban sa China.
Ito ang inihayag ni Justice Spokesperson, Atty. Mico Clavano kaugnay sa pagkasira ng mga bahura sa ilang bahagi ng West Philippine Sea.
Aniya, sa loob ng ilang linggo ay inaasahan na nila na mabubuo na ang kanilang inihahandang complaint laban sa China kung saan din maglalagay ng mga attachments ng kanilang mga pinanghahawakang ebidensya ukol dito.
Kaugnay nito ay inihayag din ni Clavano na plano rin nila na magpasaklolo sa Office of the Solicitor General para sa tuluyang paghahain ng Environmental case laban sa China.
Kung maaalala, una nang sinabi ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla na ang kanilang paghahain ng kaso laban sa nasabing bansa ay kasunod ng mga kinumpirma ng ulat ng AFP Western Command na nagsasagawa ng massive coral harvesting ang China sa Iroquois Reef sa bahagi ng West Philippine Sea.
Matatandaan din na kamakailan lang ay sinabi ng Philippine Coast Guard na natatapos ng durog na corals malapit sa Escoda Shoal ang China bilang paghahanda sa kanilang gagawing reclamation activities sa lugar na bahagi ng kanilang pagtatayo umano ng Artificial island dito, bagay na mariing kinondena naman ng matataas na opsiyal ng ating pamahalaan.