-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Simula sa Pebrero 1, pormal nang ipapatupad ang Municipal Ordinance No. 431 series of 2020 na nagtatakda sa pagpapataas ng singil sa environmental fees sa mga turistang pumapasok sa isla ng Boracay.

Ang naturang ordinansa ay inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan noong nakaraang Nobyembre 9.

Mula sa dating P75, ang environmental fee ay tataas na sa P150 sa mga local tourist na hindi Aklanon.

Ang mga senior citizens, PWDs at mga estudyante ay P120.

Samantala ang environmental fee para sa mga foreign tourists ay P300 na.

Nauna dito, sinabi ni Malay councilor Maylynn Aguirre Graf na kailangan ng LGU-Malay ang naturang revenue-generating project upang mapondohan ang mga gastos sa tourism infrastructure at pangangalaga sa isla.

Sa kabilang dako, inihayag ng ilang turista na wala sa “timing” ang naturang hakbang lalo pa at nahaharap sa pandemya ang bansa.

Dagdag gastos lamang aniya ito sa mga gustong magbakasyon maliban sa hinihinging mahal na RT-PCR tests.