-- Advertisements --
IMAGE © WWF Philippines | Facebook

Nagbabala ang World Wildlife Fund (WWF) for Nature hinggil sa epekto ng patuloy na pagtatapon ng plastic sa karagatan at iba pang bahagi ng anyong tubig.

Sa panayam ng Bombo Radyo ipinaliwanag ni WWF Philippines Communication and Media unit head Dan Faustin Ramirez ang masamang epekto ng labis na paggamit ng mga plastic.

“Ang plastic pollution ay isang major threat sa biodiversity. Yung mga single-used plastic, seven minutes on an average lang natin ginagamit pero pag natapon sila hundreds of years bago ma-decompose. In fact, hindi nga sila nade-decompose kasi nagbre-break pa sila in to smaller particles called micro plastic,” ani Ramirez.

“Bumabalik sa ating ‘yang mga tao. Sa recent studies ng University of San Carlos, may micro plastic na sa ating mga danggit na paborito nating agahan; pati sa rock salt meron na rin,” dagdag pa nito.

Batay sa pag-aaral, Pilipinas ang ikatlong bansa sa buong mundo na pinanggagalingan ng mga basurang plastic sa dagat.

Kung maaalala, kamakailan nang madiskubre sa Compostella Valley ang higit 40-kilong plastic na nalulon ng natagpuang patay na balyena sa dalampasigan.

Ngayong araw gugunitain sa buong mundo ang Earth Hour na may temang “Biodversity,” kung saan sabay-sabay muling papatayin ang mga ilaw sa loob ng isang oras bilang simbolo ng pakikiisa para pangalagaan ang kalikasan.

Alas-8:30 hanggang alas-9:30 magtatagal ang aktibidad sa Circuit Event Grounds, Makati City habang alas-4:00 ng hapon bubuksan sa publiko ang event grouds para sa ilang programa.

Ilang sikat na landmark din sa ibang bansa gaya ng Eiffel Tower sa France at Sydney Opera House sa Australia ang inaasahang makikiisa muli sa aktibidad.

Taong 2007 nang magsimula ang Earth Hour sa Sydney na ngayon ay itinuturing ng pinaka-malaking grassroots movement para sa kalikasan.

Dito sa Pilipinas, taong 2008 naman nang unang isagawa ang aktibidad.