-- Advertisements --
paputok - firecrackers

Bagaman mahigit 40 araw pa bago ang pasko, nagbabala na ang grupong Ban Toxics laban sa posibleng pagkalat ng mga toxic na paputok ngayong panahon ng kapaskuhan.

Ayon sa campaigner ng naturang grupo na si Thony Dizon, namonitor nila ang pagkalat ng maraming mga paputok na nagtataglay ng mga mapanganib na kemikal.

Ang mga naturang kemikal aniya ay nakakasira sa kalusugan ng mga tao at sa kapaligiran.

Kinabibilangan ito ng mga paputok na crackling balls, crackers, pop-pop, happy ball, dynamite, five-star, whistle bomb, at maging ang piccolo.

Marami umano sa mga nabanggit na paputok ay ibinebenta na sa Divisoria, sa lungsod ng Maynila.

Ayon pa rin kay Dizon, dahil sa papalapit na kapaskuhan ay lalawakan na rin nila ang kanilang kampanyang ‘Iwas Paputok, Iwas Disgrasya, Iwas Polusyon’ para maprotektahan ang kapakanan ng publiko laban sa mga nakakalason at mapaminsalang paputok.