KALIBO, Aklan—Iginiit ngayon ng grupong bantay-bigas na ang utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na pagtakda ng price ceiling sa bigas ay hindi patas at hindi napag-aralan.
Ayon kay Cathy Estavillo, tagapagsalita ng grupo na ang Executive Order No. 39 ni Marcos ay hindi makatugon sa suliraning kinakaharap ukol sa patuloy na pagtaas sa presyo ng produkto.
Sa halip aniya na magpatupad ng price cap sa bigas, tugisin at ikulong ang mga traders at wholesalers na nag-iimbak ng mga bigas at palay.
Kinuwestyon din ng grupo ang gobyerno kung bakit hanggang ngayon ay wala pang kahit isa na nakasuhan kahit na may mga hoarders sa Bulacan na nadiskubre ang kanilang warehouse na may naka-imbak na sako-sakong bigas.
Apela ni Estavillo na palawakin ang mga lupain na pagtataniman ng palay at mais; tulungan ang mga farmers sa gamit sa produksyon, post harvest facilities, at mabili ang ani na palay sa halagang P20 pesos bawat kilo.
Palakasin rin umano ang kampanya laban sa smugglers at hoarders na nagpapahirap sa mga magsasaka at mamamayan.